Aminado ang isang transport group na may pagkukulang ang kanilang hanay kung bakit nahihirapan nang makabalik sa kalsada ang mga pampasadang jeepney sa gitna ng pandemya.
Sinabi ni Liga ng Transportasyon at Operators (LTOP) President Orlando “Ka Lando” Marquez na kung sinunod na lang noong 1997 ang Department Order na inisyu ng Department of Transportation and Communications (DOTC) para sa pag-moderno ng mga pampasadang jeepney, hindi sana ngayon nagkakaproblema.
Aniya, kahit ang mga miyembro niya noon ay hindi naniwala at pinagtawanan siya nang i-modernize niya ang mga pampasadang jeepney.
Kung nakasunod na aniya noon ay hindi na sana humantong sa pamamalimos ang maarami sa mga tsuper ng jeepney.
Ginawa ni Marquez ang pahayag sa harap ng unti-unting pagbabalik kalsada ng iba’t ibang uri ng pampublikong transportasyon kahit pa nasa ilalim pa rin ng General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.
Aniya, payagan na ang mga tradisyonal na jeepney dahil marami naman ang nakasusunod sa ipinatutupad na health protocols maliban sa maraming mga ruta ng jeep na hindi naman naseserbisyuhan ngayon ng mga bumibiyaheng mga bus.