Humingi ng paumanhin ang isang unit ng military matapos na amining “edited” ang mga larawan ng 306 na mga sumukong miyembro ng komunistang grupo sa Masbate nitong December 26, ang anibersaryo ng Communist Party of the Philppines o CPP.
Ayon kay Major Ricky Anthony Aguilar, Spokesperson ng Army 9th Infantry Division ng Philippine Army, ginawa lamang nila ang pag i-edit ng mga larawan ng mga sumukong komunista upang maprotektahan ang mga ito.
Wala aniya silang intensyong lokohin ang publiko at palabasing gawa-gawa lamang ang pagsuko sa halip ito ang kanilang paraan para hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga sumukong rebelde.
Aminado syang hindi nya na-check nang mabuti ang mga larawan dahil sa pagmamadaling mailabas ito sa publiko sa pamamagitan ng media.
Sa larawan, kapansin-pansin ang walang ulong larawan ng isang lalaki, putol na paa ng isa pang lalaki na agad na napansin ng netizen na photoshopped ang mga larawan nang i-post kahapon ng media sa social media.