Maaari na ulit mag-isolate sa kanilang mga tahanan ang mayroong mild symptoms ng COVID-19 maging ang mga asymptomatic.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Dr. Rontgene Solante, miyembro ng Department of Health Vaccine Expert Panel na ito ay dahil halos punuan na ang mga ospital at upang mabigyang prayoridad ang mga moderate to severe cases.
Pero kailangan pa rin aniyang ipagbigay alam sa barangay nang sa ganon ay araw-araw silang ma-monitor ng Barangay Health Emergency Response Teams.
Mahalaga aniya na alam ito ng barangay o magpakonsulta sa doktor sa pamamagitan ng teleconsult upang sakaling maging malala ang kaso ay hindi pa huli ang lahat at maisugod sa ospital.
Hindi naman nito ipinapayo na mag-imbak ng oxygen tank sa bahay dahil hindi rin lahat ng COVID-19 cases ay mangangailangan ng oxygen.
Mainam na hayaan na lamang ang doktor na magpayo kung ano ang mas nararapat na gawin o kung ano ang iinuming medisina.