Manila, Philippines – Tiwala si Anak Mindanao Rep. Makmod Mending na matatapos na nila sa susunod na linggo ang pagdinig sa panukalang Bangsamoro Basic Law.
Sa interview ng RMN Manila kay Mending – sinabi niyang dalawang public hearing nalang ang kanilang gagawin ngayong linggo para balangkasin ang BBL.
Pagkatapos nito, magpupulong na ang joint committee sa Lunes (March 12) para isapinal naman ang lalamanin ng BBL at maipasa na sa March 21.
Kaugnay nito, maaring maisama sa bagong BBL ang anim na munisipyo ng Lanao Del Norte at 39 na barangay ng North Cotabato na hindi naisama sa naunang extension.
Pero, dadaan pa rin anya ang lahat ng bill of local application sa plebesito dahil taong bayan pa rin ang magdedesisyon.
Hiningi naman ni Mending ang suporta ng publiko sa BBL, dahil hindi lamang ito sa mga taga-Mindanao kundi para ito sa bayan.
Ang BBL ay naglalayong magtatag ng Bangsamoro Region sa Mindanao na siyang papalit sa bubuwaging Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).