Isda at iba pang lamang dagat sa Oriental Mindoro, nagpositibo na rin sa langis mula sa lumubog na barko

Kinumpirma ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagpositibo sa langis ang mga isda at lamang dagat na kanilang kinuhaan ng sample sa karagatan ng Oriental Mindoro.

Sa ginawang analysis ng BFAR, hindi lamang tubig ang mayroong nakahalong langis.

Kabilang na rin sa apektado ng oil spill mula sa lumubog na barko na MT Princess Empress ang mga lamang dagat.


Kumuha ang BFAR ng sample ng tubig at mga lamang dagat sa mga baybaying bayan ng Naujan, Pola, Pinamalayan, Bansud, Gloria, Bongabong, Roxas, Mansalay at Bulalacao.

Sa bawat litro ng tubig, nakakuha ng 3 mg hanggang 5 mg ng langis sa bawat litro ng tubig na may kasamang grasa.

Nadiskubre din na mayroong low level na polycyclic aromatic hydrocarbons sa mga isda na ginawang sample ng BFAR kung saan mapanganib ito sakaling kainin ng tao.

Dahil dito, patuloy na inirekomenda ng BFAR ang pagpapatupad ng fish ban sa buong Oriental Mindoro upang hindi malagay sa panganib ang kalusugan ng mga naninirahan doon.

Pinalawig na rin ng BFAR ang kanilang water and fish samples hanggang Caluya, Antique dahil nagdeklara na rin doon ng fishing ban ang lokal na pamahalaan.

Umabot naman sa P6.4 million ang naipamahagi na livelihood assistance sa mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.

Facebook Comments