ISELCO 1, Paiimbestigahan sa Presidential Anti-Corruption Commission

Cauayan City, Isabela- Hiniling ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela na imbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang umano’y ilang maling hakbang na ginawa ng pamunuan ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO-1).

Ito ay matapos sumulat si 5th District Board Member Edward Isidro, Chairman ng Committee on Power, Energy and Franchising sa tanggapan ni PACC Chairman Greco Belgica.

Nakasaad sa liham ang hiling na imbestigahan ng PACC ang kapasidad at operasyon ng ISELCO 1; legalidad ng appointment ni Engr. Virgilio Montano matapos ang re-appointment nito bilang General Manager ng ISELCO 1 at ang kwalipikasyon ni PHILRECA Partylist Representative Presley De Jesus bilang Board of Director President ng ISELCO 1,partikular na tinukoy sa liham ang requirement of attendance na hindi bababa sa dalawang taong Annual General Membership (AGMA) para sa huling 5 taon na hindi pa napapanahon bago ang halalan o appointment.


Matatandaang nagsagawa ng Legislative Inquiry ang Sangguniang Panlalawian hinggil sa panawagan ng mga member-consumers kaugnay sa biglaang pagtaas ng singil sa electric bills at ang madalas na pawala-walang suplay ng kuryente sa lalawigan.

Noong kasagsagan ng pagdinig, kinuwestyon rin ng mga SP Members ang ipinapataw na ‘service fee’ sa mga mahuhuling makapagbayad ng bills at ang ‘refund’ sa consumers na nagreresulta umano ng net over-recovery ng ISELCO 1.

Sa kabila nito, nanindigan umano ang ISELCO 1 na dahil sa kakaunting suplay ng kuryente at sa insidente ng pag-shutdown sa power plant ng kanilang supplier ay napilitan silang bumili mula sa spot market na mas mataas ang rate kaysa sa dati nilang pinagkukunan ng suplay.

Sa pagkakataong ito ay kinuwestyon ng mga miyembro ng SP ang paliwanag ng ISELCO 1 at maaari sana umanong maiwasan ang power supply agreement sa kanilang supplier kalakip ng pananagutan ang hindi umanong maihatid na napagkasunduang serbisyo sa suplay ng kuryente.

Sa usapin naman ng pagpapataw ng ‘service fee’ ng ISELCO 1, iginiit ng pamunuan na paraan nila ito upang hikayatin ang member-consumers na magbayad sa takdang oras nang sa gayon ay makapagbayad sila ng obligasyon sa kanilang power supplier.

Kaugnay pa nito, maliwanag umano na ang pagpapataw ng ‘service fee’ ay hindi kapaki-pakinabang sa member-consumers.

Samantala, hindi umano ganap na ipinapatupad ng ISELCO 1 ang desisyon ng Energy Regulatory Commission (ERC) at ang pag-iwas sa pagpapatupad ng nasabing desisyon sa kabila ng naghain sila ng ‘motion for reconsideration’ para sa muling pagsasaalang-alang upang maipatupad ito sa loob ng tatlong (3) taon.

Napag-alaman naman na retirado na sa serbisyo si GM Montano kung saan kwestyonable para sa ilang member-consumers ang kanyang muling pag-upo para pamunuan ang ISELCO 1.

Binabalewala umano ng pamunuan ng ISELCO 1 ang utos ng Sangguniang Panlalawigan na magsumite ng kaukulang dokumento may kaugnayan sa kanilang financial status at Power Supply Agreements (PSAs) sa kanilang power providers.

Sa ganitong hindi pagtugon ng ISELCO 1, pagpapakita lamang umano ito ng kawalan ng respeto sa mandato ng Sangguniang Panlalawigan para magsagawa ng pagdinig at kaduda-duda rin umano kung nagagawa nga ba ng pamunuan ang kanilang mandato sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga member-consumers.

Facebook Comments