Cauayan City, Isabela- Magsasagawa na ng disconnection sa linya ng kuryente sa mga member consumers na hindi nagbabayad ng electric bill sa darating na Setyembre.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong David Solomon Siquian, General Manager ng ISELCO 2 at Chairman ng Philippine Federation of Electric Cooperatives (PHILFECO), puputulan na aniya ng kuryente ang mga hindi pa nakakapagbayad ng bill simula noong ipatupad ang ECQ hanggang sa katapusan ng Setyembre.
Kanyang sinabi na mahaba na ang palugit na ibinigay ng ISELCO 2 sa mga member consumers para makapagbayad simula nang ipatupad ang ECQ.
Iniiwasan din lamang aniya ng kanilang pamunuan na magkautang at magkainteres sa main power provider kaya’t kanilang hinihiling sa mga consumer na magbayad na bago pa maputulan ng kuryente.
Kaugnay nito, humihingi naman ng pang-unawa si GM Siquian sa kanilang mga naging pagkukulang at pagkakaroon ng mga hindi inaasahang brownout.
Sakaling maayos na aniya ang mga sub-station ng ISELCO 2 ay asahan na ang magandang distribusyon ng supply ng kuryente sa nasasakupan nito.