ISELCO II, Nagpaliwanag sa Madalas na Brownout

Cauayan City, Isabela- Humihingi ng paumanhin at pang-unawa ang pamunuan ng Isabela II Electric Cooperative (ISELCO II) sa mga member-consumer-owners nito dahil sa madalas na nararanasang brownout o hindi inaasahang pagkawala ng kuryente.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay General Manager Dave Siquian ng ISELCO 2, batid naman aniya ang mainit na panahon ngayon kaya’t marami at sabay-sabay ang mga gumagamit ng mga appliances na dahilan ng power interruption.

Madalas na nakararanas ng brownout ang ilang mga sakop nito gaya ng mga bayan ng Naguilian, Benito Soliven at San Mariano.


Ayon kay GM Siquian, kasalukuyan pang inaayos ang kanilang sub-station na inaasahang makapagbibigay ng magandang serbisyo at sapat na supply ng kuryente sa nasasakupan nito.

Nagkaroon lamang aniya ng delay ang konstruksyon ng sub-station dahil sa mga ipinatupad na lockdown dulot ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa probinsya.

Gayunman, tuloy-tuloy aniya ang ginagawang pagtatayo ng sub-station sa bayan ng Benito Soliven.

Samantala, naniniwala si GM Siquian na walang kinalaman ang pagkakaroon ng brownout sa pagkasira ng mga appliances na namang inirereklamo ng mga consumer.

Importante lamang aniya na suriin ang mga koneksyon ng kuryente oras na makaranas ng brownout upang makaiwas sa anumang peligro.

Facebook Comments