Isinagawang “karakol” procession at mass gathering sa Gen. Trias, Cavite, iimbestigahan ng DILG

Iimbestigahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang isinagawang “karakol” procession at mass gathering sa Gen. Trias, Cavite na isang paglabag sa Inter-Agency Task Force (IATF) rules and regulations.

Kaugnay ito sa viral video sa social media na ipinapakita na daan-daang mga residente sa Barangay Santiago ang hindi nakasuot ng face mask, face shields at ‘di sumunod sa social distancing habang nakikibahagi sa karakol procession sa kabila ng pagkakalagay ng Cavite sa General Community Quarantine (GCQ) with Heightened Restrictions.

Inatasan ni DILG Secretary Eduardo Año ang DILG Regional Office nito na magpadala ng team sa General Trias para alamin kung sino-sino ang dapat sampahan ng kasong administratibo at kriminal dahil sa nangyaring superspreader event.


Lumilitaw na kahit ang barangay captain ay sumama rin sa karakol at humingi na ng paumanhin.

Ayon sa DILG chief, hindi sapat ang sorry dahil nalagay sa peligro ang public health at safety sa General Trias.

Pinagpapaliwanag din ni Secretary Año ang city government at ang pamunuan ng General Trias Police Station dahil walang ginawa upang sitahin ang aktibidad.

Facebook Comments