Manila, Philippines – Inilabas na ng Kamara ang pangalan ng mga kongresista at mga senador na humingi umano ng pondo sa Road Board para sa kani-kanilang mga proyekto.
Ito ay sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat nang buwagin ang Road Board dahil ginagamit lamang ang pondo nito sa korapsyon.
Ang Road Board ang ahensya ng pamahalaan na may tungkulin na magturo ng mga proyektong popondohan na galing sa motor vehicle user’s charge.
Ang nasabing pondo ay bahagi ng kinokolekta sa tuwing nagpapa-rehistro ng sasakyan ang mga car owner.
Kabilang sa listahan ay sina dating Majority Leader Rodolfo Fariñas na humingi umano ng ₱277 million para sa kanyang mga proyekto sa kanyang distrito sa Ilocos Norte.
Si PBA Partylist Representative Jericho Nograles ay humirit din umano ng ₱485 million na pondo para sa ilang infrastructure project kahit na wala naman siyang direktang constituent.
Kasama rin sa listahan ng mga humingi ng pondo sa Road Board sina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Sonny Angara.
Wala naman sa listahan si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Fariñas na wala namang umabot na pondo sa kanyang tanggapan lalo na sa kanyang distrito mula sa pondo ng Road Board.
Samantala, nanindigan naman ang Road Board na kapag nakakatanggap sila ng request para pondohan ang isang proyekto ay pinadadala ito sa DPWH at DOTr para masiyasat.
Anila, hindi ang Road Board kundi ang DBM ang nagpapalabas ng pondo sa implementing agency sa DPWH at DOTr na nagsasagawa naman ng procurement.
Hindi rin anila sila ang nagmumungkahi o nagpapatupad ng mga proyekto.