Isinarang lotto outlets, patuloy na nadadagdagan

Umabot na sa 257 lotto outlets ng Philippine Charity Sweepstakes Office sa metro manila ang tuluyan nang nagsara.

Kasunod ito ng pagpapatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng mga uri ng sugal na pinatatakbo at nabigyan ng prangkisa ng nasabing ahensya dahil na rin sa malawakang katiwalian sa PCSO.

Batay sa pagtataya ng Philippine National Police, pito na ang nagsarang lotto outlets sa Navotas, dalawa sa Caloocan City at tatlo sa Malabon City.


Labing-limang lotto outlets naman ang nagsara na sa Mandaluyong City, 29 sa San Juan City, habang sa Maynila ay nasa 20, sa Pasay City ay 50, sa Makati City ay 33 at sa Pateros ay 14.

Pinakamaraming lotto outlets naman ang nagsara sa Quezon City na aabot sa 84.

Kaugnay nito, inihayag naman ng pamunuan ng PCSO na tatalima ang board sa kautusan ni Pangulong Duterte.

Umapela rin ang PCSO board sa kanilang mga costumers na nakabili na ng tickets na itabi o itago muna ang mga ito.

Sisikapin aniya ng pamunuan na umapela kay Pangulong Duterte para sa muling pagbubukas ng mga PCSO lotto outlets.

Facebook Comments