ISINISI | Mga kondisyon sa NPA, dahilan kaya hindi na natuloy ang peace talks

Manila, Philippines – Isinisisi nila ACT Teachers Reps. Antonio Tinio at France Castro ang mga kondisyong inilatag ng Duterte administration sa NPA dahilan kaya hindi natuloy ang peace talks sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front.

Ayon sa mga kongresista, batid naman umano ni Pangulong Duterte na umpisa pa lang ay hindi sasang-ayon ang NPA sa mga inilatag na pre-conditions.

Katwiran dito ng mga mambabatas, naging demanding ang pamahalaan na ituloy ang peace negotiations kapalit ng mga dagdag na kondisyon pero mismong ang pamahalaan ay hindi sumunod sa mga naunang kondisyon na napagkasunduan noon ng dalawang panig.


Giit ng mga mambabatas, ang pag-abanduna ni Pangulong Duterte sa peace talks ay pag-abanduna na rin sa panawagan ng publiko para sa hustisya at kapayapaan.

Ang termination anila ng peace talks ay pagpapakita ng pagiging anti-people ng Pangulo tulad ng war on drugs, martial law sa Mindanao at TRAIN Law.

Facebook Comments