Manila, Philippines – Isinisi ni Agriculture Secretary Manny Piñol sa presyo ng produktong petrolyo ang patuloy na pagtaas ng inflation rate sa bansa.
Ito ay sa harap narin ng naging pahayag ni Finance Assistant Secretary Tony Lambino na batay sa kanilang pagaaral ay lumalabas na ang pangunahing dahilan ng inflation mula Enero hanggang ngayong buwan ay ang mga agricultural products partikular na ang bigas, gulay at karne.
Ayon kay Piñol, tulad ng transportation industry ay biktima lang din ang mga agricultural products ng Inflation at ang tunay na dahilan ay ang patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Binigyang diin din naman ni Piñol na dahil sa mga ginawang hakbang ng Department of Agriculture ay naging stable na ang presyo ng mga Agricultural products partikular ang presyo ng Gulay, Bigas, at isda.
Matatandaan na naglabas si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga presidential issuances tulad ng Administrative Order number 13, at Memorandum order Number 26-27 at 28 upang mapababa ang presyo ng mga agricultural products sa bansa.