Manila, Philippines – Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros ang nagaganap na tara system sa National Food Authority o NFA kung saan pangunahing nakikinabang umano ay ang administrator nitong si Jason Aquino.
Sa impormasyon ni Hontiveros ay umaabot sa P2 bilyon ang napakinabangan umano ni Aquino at iba pang indibidual mula sa nabanggit na malawakang korapsyon sa NFA.
Sa pamamagitan ng privilege speech ay isinalaysay ni Hontiveros na nagpatupad si Aquino, kasabwat ang ilan pang mga tiwali sa NFA ng entrance fee mula sa mga importer ng bigas para sila ay mabigyan ng certificate of eligibility at import permit.
Ito ay nagkakahalaga ng P100 hanggang P150 na tara sa bawat sako ng imported na bigas na papasok sa bansa.
Ayon kay Hontiveros, umaabot sa isang milyong tonelada ng bigas na tinatayang 20 milyong sako ng bigas ang inaangkat ng bansa kada taon kaya ang tara dito ay umaabot sa P2 bilyon.
Bunsod nito ay iginiit ni Hontiveros na dapat makulong si Aquino at ang kanyang mga kasabwat dahil sa kasong economic sabotage o paglabag sa Republic Act no. 10845.