
Hindi pa masabi ng Department of Justice (DOJ) kung mapapabilis ngayon ang imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control scandal.
Ito ay matapos na isumite ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa DOJ ang mga dokumento at record na may kaugnayan sa anomalya.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, bagama’t malaking bagay para sa kanila ang mga dokumento ay hindi pa sigurado kung mapapabilis nito ang imbestigasyon dahil sa mga sinusunod na proseso.
Paliwanag ni Martinez, pag-aaralan pa nila ang mga ebidensiyang isinumite sa Justice Department at hindi ito pwedeng madaliin.
Sa loob ng ilang buwan na pagtatrabaho ng ICI, nasa 65 na indibidwal ang ni-refer ng mga ito sa Office of the Ombudsman na kinabibilangan ng ilang mga senador, kongresista, contractor at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).










