Isinusulong ni Kabayan Rep. Ron Salo ang pagbibigay ng 14th month pay sa mga contracts of service personnel at job order workers na nasa gobyerno.
Ang panawagan dito ni Salo ay kasunod na rin ng pagbibigay ng 14th month pay at P5000 cash bonus sa mga regular na kawani ng pamahalaan.
Ayon sa mambabatas, hindi lang government employees ang dapat na nakikinabang sa 14th month pay kundi pati ang mga kontraktwal sa gobyerno at mga pribadong kumpanya.
Apela ni Salo sa Department of Budget and Management, palawigin pa ang pagbibigay ng 14th month pay sa 660,000 contracts of service personnel at job order workers sa pamahalaan.
Ang nasabing bilang aniya ay 27% lang ng kabuuang bilang ng government employees na 2.42 Million sa buong bansa at ang mga ito ay napag-iwanan ng salary standardization tranches kaya marapat na ibigay rin sa kanila ang Christmas bonus at 14th month pay.
Giit pa ni Salo, nararapat lamang na ibigay sa mga contractual at job orders sa gobyerno ang kanilang 13th month at 14th month pay dahil tulad ng mga regular government employees nagbibigay din ang mga ito ng public service.