Manila, Philippines – Isinulong ni Committee on Health Chairman JV Ejercito na ihiwalay na ang Food and Drugs Administration o FDA mula sa Department of Health o DOH.
Ito ang nakapaloob sa Senate Bill 1631 na inihain ni Ejercito na layuning amyendahan ang Republic Act 9711 o ang FDA Act of 2009.
Mula sa DOH ay nais ni Ejercito na isailalim na ang FDA direkta sa Office of the President.
Ipinaliwanag ni Ejercito na kasama sa mandato ng FDA ang mag-apruba sa mga programa o mga bibilhing gamot ng DOH.
Nakokompromiso aniya ang FDA dahil kinakailangan din nitong sumunod sa tanggapan na sumasakop dito.
Ang panukala ni Ejercito ay sa harap ng kontrobersya sa pagbili ng gobyerno ng 3.5 billion pesos na anti dengue vaccine na sinasabing may masamang epekto sa kalusugan ng mga batang hindi pa dinadapuan ng sakit na dengue.