Manila, Philippines – Isinusulong ng Overseas Workers Affairs Committee ang pagbibigay ng retirement benefits at tulong para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Nabuo ito matapos i-consolidate ang tatlong panukala na layong bigyan ng retirement benefits at welfare assistance ang mga Pinoy domestic workers.
Ayon kay Overseas Workers Affairs Chairman Jesulito Manalo, hindi dapat ituring na katapusan na ng oportunidad para sa mga OFWs sakaling matapos na ang kanilang employment sa abroad.
Layunin din na bumuo ng Overseas Filipino Workers Retirement Fund System at OFW Retirement Fund kung saan obligado ang isang OFW na mag-remit ng 5% ng kanilang gross monthly income sa loob ng 10 taon.
Bukod sa monthly contribution na ibibigay ng mga OFWs, magbibigay ng tig-10% ang Philippine international airports, medical testing centers, OFW training centers at P50 million annually na kukunin naman sa Contingency Fund ng Office of the President.
Sa pondong ito kukunin na lahat ang retirement at iba pang benepisyo para sa mga OFWs.
Bagamat may pensyon naman ang mga OFWs sa SSS, bukod sa limitado ay kailangan pa nilang maghintay na mag-60 taong gulang bago makuha ang mga benepisyo.