Isinusulong na “online campaigning” ng COMELEC, hiniling ng Kamara na pag-aralan muna

Inirekomenda ni House Committee on People’s Participation Chairman Florida Robes sa Commission on Elections (COMELEC) na pag-aralan munang mabuti ang isinusulong na “online campaigning” para sa 2022 elections.

Kasunod na rin ito ng pahayag ni COMELEC Spokesperson James Jimenez para maiwasan ang face to face campaigning ngayong may COVID-19 pandemic.

Giit ni Robes, mayroong mga “pros and cons” ang naturang plano na dapat silipin at timbangin ng komisyon.


Aniya, malinaw ang benepisyo ng online campaigning para mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease ngunit makokompromiso naman sa pangangampanya online ang sinseridad ng mga kandidato sa mga taong nililigawan para sa kanilang boto.

Pinatitiyak din ni Robes na makakasunod ang mga kandidato sa panuntunan at limitasyon sa online campaigning upang hindi maabuso ang naturang platform.

Magkagayunman ay tiwala ang lady solon sa mga gagawing hakbang ng COMELEC lalo’t tiyak na ikokonsidera nito ang kapakanan ng mga Pilipino at karapatan nilang makaboto sa harap na rin ng pandemya.

Facebook Comments