Itinutulak ni House Economic Cluster Co-Chairman at Marikina Representative Stella Quimbo ang pagkakaroon ng Bayanihan 3 na tatawaging Bayanihan to Arise as One.
Dahil dito, umapela ang kongresista sa mga economic managers na suportahan ang P1.3 trillion ARISE bill bilang Bayanihan 3 na may nakapaloob na komprehensibong plano para tugunan ang krisis ngayon sa ekonomiya bunsod ng pandemya.
Nasa yugto aniya ang bansa ng recession matapos na bumagsak sa 16.5% ang Gross Domestic Product (GDP) ngayong 2nd quarter kaya kinakailangan ng balanseng pagtugon upang makabangon ang bansa pagsapit ng 2021.
Sinabi ni Quimbo, na kailangan na magkaroon ng isang stimulus na nagkakahalaga ng P1.5 trillion para maiwasan ang inaasahang P2.4 trillion na maaaring mawalang kita sa bansa sa susunod na taon kasunod ng inaasahang 5.5% na pagbagsak sa overall ng ekonomiya ng bansa sa 2020.
Iginiit ni Quimbo na ang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 na inaprubahan kamakailan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay hindi sapat na economic stimulus program.
Sa oras na maaprubahan ang ARISE Bill bilang Bayanihan 3 ay hahatiin sa tatlong taon ang P1.3 Trillion na pondo kung saan nakasentro ang atensyon sa pagpapanatili ng operasyon sa mga maliliit na negosyo.