Isinusulong na pagtatalaga ni Pangulong Duterte ng mga barangay officials, mariing tinutulan ni Senator Aquino

Manila, Philippines – Mariing kinontra ni Senator Bam Aquino ang nakapaloob sa senate bill # 1584 na nagpapahintulot kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtalaga ng Officer-In-Charge o OIC sa mga barangay.

Nakapaloob sa panukala na iniakda nina Committee on Electoral Reforms and People’s Participation Vice Chairman Senator Richard Gordon at Senate Majority Leader Tito Sotto III, ang pagpapaliban sa October 2018 ng Barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections na nakatakda sana ngayong buwan ng Oktubre.

Kasama sa rekomendasyon ang pagbibigay pahintulot sa Pangulo na pumili ng OIC kapalit ng mga barangay officials na nasa kanyang listahan ng mga sangkot sa iligal na droga.


Ang nabanggit na panukala ay kaugnay sa committee report #163 na inilabas ni Senator Gordon at Finance Committee Chairperson Senator Loren Legarda.

Bukod kina Gordon, Legarda at Sotto, lumagda din sa nabanggit na committee report sina Senators Juan Miguel Zubiri, Nancy Binay, Sonny Angara, at Ralph Recto.

Lumagda naman sa committee report pero may probisyong nais paamyendahan sa panukala sina Senators Grace Poe, Cynthia Villar, Panfilo Lacson, Francis “Chiz” Escudero, Joel Villanueva, at JV Ejercito.

Kapansin-pansin na wala kahit isang senador na kabilang sa minority bloc ang lumagda sa nasabing committee report.

Binigyang diin ni opposition Senator Aquino, ang taumbayan, at hindi ang Pangulo, ang may karapatang pumili ng kanilang pinuno sa barangay.

Giit ni Aquino, kasuhan na agad ang mga barangay officials na umano’y sangkot sa illegal drug trade.

Facebook Comments