Nilinaw ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde na walang halong politika ang isinusulong ng PNP na pag-amyenda sa Human Security Act na magpapalawig sa wiretapping ng isang suspected terrorist sa 90 araw mula sa 30 araw.
Ayon sa PNP Chief, ang kanilang pagsuporta sa expanded wiretapping sa mga terrorist suspects ay mahalaga para ma-trace ang mga koneksyon at pinanggagalingan ng financing ng mga terrorist organizations.
Pinawi ng PNP Chief ang pangamba ng ilang sektor na maaaring gamitin ang wiretapping sa mga kalaban sa politika ng administrasyon.
Giit ng PNP chief, ang pag-wiretap sa isang suspek ay may pahintulot naman ng korte, kaya may “safeguard” ito upang hindi maabuso.
Payo ng PNP Chief sa mga kritiko ng hakbang na wag masyadong “negative” ang pag-iisip dahil ito ay para sa kabutihan ng lahat.
Kung wala naman aniyang ginagawang masama ang isang tao, wala siyang dapat ikatakot sa wiretapping o pagsusulong ng expanded wiretapping law.