Manila, Philippines – Isinusulong na rin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang paglalagay ng graphic health warnings sa mga matatamis na inumin tulad sa mga pakete ng sigarilyo.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, sa pamamagitan nito, magdadalawang isip na bumili ang mga mahihilig sa sugar-sweetened beverage.
Aniya, si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpanukala nito lalo at karamihan sa mga powdered juice ay naglalaman ng mataas na lebel ng asukal na magdudulot ng obesity, diabetes at sakit sa puso.
Dagdag pa ng kalihim, gusto ng Pangulo ng makatotohanang labeling na kung minsan ay ginagawang pangregalo ang mga powdered juice sa mga matatanda at may sakit.
Mag-iisyu ang DTI ng kautusan sa pagdidikit ng health warnings sa mga produkto pagkatapos nilang konsultahin ang mga stakeholder.
Makikipagtulungan din ang DTI sa Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA).
Sa ngayon, kailangan ng DTI ng isa hanggang dalawang buwan para sa implementasyon ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukod sa powdered juice, kabilang din sa mga sugar sweetened beverages ay ang carbonated beverages, maging ang sports at energy drinks.
Nabatid na pinatawan din ng excise tax ang mga matatamis na inumin sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.