Manila, Philippines – Isinusulong ni CIBAC Partylist Rep. Sherwin Tugna ang panukala na kung saan ang ibinabayad na service charge sa mga restaurants ay ibibigay sa mga empleyado nito.
Sa House Bill 6650 na inihain ni Tugna, binibigyang mandato ng panukala ang mga restaurant owners na ibigay ang nakokolektang service charge sa mga empleyado kasama dito ang mga cooks at waiters.
Inaatasan din na 100% dapat ng service charge na kinokolekta sa mga restaurants ang dapat na ibigay sa mga empleyado.
Aniya, sa kasalukuyan ay 85% lamang ng service charge na ibinabayad ng mga customers ang napupunta sa mga restaurant employees habang ang 15% ay napupunta sa management o sa may-ari ng restaurant para naman sa operational cost.
Giit ni Tugna, ibigay na ng buo sa mga waiters at cooks ang service charge at ang mga operational cost tulad ng mga nabasag na plato o baso ay ibawas na lamang sa sweldo ng nakagawa nito.
Katwiran ng kongresista, hindi naman palagi ay may nababasag o nasisirang kagamitan sa mga restaurants.
Inaamyendahan din ng panukala ang Labor Code of the Philippines at sinusuportahan ang ipinaglalaban ng mga manggagawa sa bansa.