Monday, April 13, 2026

ISKEDYUL PARA SA BANGUS FESTIVAL 2026, INILABAS NA

Inilabas na ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan City ngayong Abril 13 ang opisyal na lineup ng mga aktibidad para sa Bangus Festival 2026 na tatakbo mula Abril 1 hanggang 30.

Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ang iba’t ibang cultural shows, community events, at city-led programs na layong ipagdiwang ang industriya ng bangus at lokal na kultura.

Tampok din sa selebrasyon ang Kalutan Ed Dalan sa Abril 30 sa New De Venecia Road Extension, kung saan inaasahang dadagsa ang mga artista at influencers para sa sabayang pag-iihaw ng bangus.

Kasabay nito, nagpapatuloy ang Bangus Festival Trade Fair sa Galvan Street at Zamora Street mula Marso hanggang Hunyo, na nagtatampok ng mga lokal na produkto, pagkain, at negosyo bilang bahagi ng mas pinalawak na selebrasyon.

Sa kabila ng inilatag na mga aktibidad, may ilang residente ang nagpahayag ng pagkadismaya sa hindi pagsasama ng ilang tradisyunal na bahagi ng pista tulad ng street dance parade at Gilon-Gilon ed Dalan.

Ayon sa ilang komento, nababawasan umano ang sigla ng festival kung wala ang mga ito, bagamat nanindigan ang lungsod na nakatuon pa rin ang pista sa ligtas at makabuluhang pagdiriwang sa gitna ng umiiral na krisis sa langis. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments