Thursday, April 30, 2026

BABAE, ARESTADO SA ROSALES DAHIL SA KASONG ESTAFA

Isang 25 anyos na babae ang inaresto matapos pagsilbihan ng warrant of arrest (WOA) kaugnay ng kasong estafa sa bayan ng Rosales, Pangasinan.

Kinilala ang akusado bilang isang vegetable vendor, na residente rin ng nasabing lugar.

Pinangunahan ng Rosario Municipal Police Station (MPS) ang operasyon, katuwang ang Rosales Police Station sa ilalim ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO). Bandang alas-10:40 ng umaga nang maisilbi ang warrant of arrest laban sa akusado.

Ayon sa ulat, ang nasabing warrant ay may kaugnayan sa kasong estafa na kung saan itinakda ang piyansang nagkakahalaga ng ₱72,000 para sa pansamantalang kalayaan ng akusado.

Matapos ang pag-aresto, agad na dinala ang akusado sa Rosario MPS kung saan siya kasalukuyang nakadetine habang hinihintay ang susunod na proseso ng kanyang kaso.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na maging maingat sa pakikipagtransaksyon upang maiwasan ang pagkakasangkot sa mga kasong may kaugnayan sa panlilinlang o estafa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments