Hindi pa tapos si Manila Mayor Isko Moreno sa pagbanat sa kapwa presidential candidate na si Vice President Leni Robredo sa umano’y paghimok sa kanya at sa iba pang kandidato na umatras sa pampanguluhang halalan sa Mayo.
Sa ambush interview noong Miyerkules, tatlong araw makalipas ang kontrobersyal na Easter presser, muling nanawagan si Moreno kay Robredo na magsalita tungkol sa isyu.
Hinamon ni Moreno si Robredo na patunayan na hindi siya kinausap, maging sina Senador Panfilo Lacson at dating presidential security adviser Norberto Gonzales, para iatras ang kani-kanilang kandidatura.
Hinamon din ng alkalde ang campaign manager ni VP Leni na si dating senador Bam Aquino na itanggi ang panawagan, at pinatitigil si Atty. Barry Gutirrez na magsalita para kay Robredo na tinawag niyang “bully.”
“I challenge the honorable Vice President. Pasinungalingan niyo kami kung hindi kayo nag-attempt, ng makita ng taongbayan ang katotohanan kung sino ang fake, kung sino ang totoo,” aniya. “Hindi ako papayag na mabuladas ninyo ang tao na kayo ay santa, pero kayo ay santita.”
Samantala, inakusahan ng campaign manager ni Isko na si Lito Banayo ang kampo ni Robredo ng “wholesale vote buying” dahil sa aniya’y “inveigling an opposing candidate to back out rather than giving the electorate choices.”
Sina Lacson, Gonzales, vice presidential bet Sen. Tito Sotto at maging running mate ni Moreno na si Dr. Willie Ong na dumalo sa Easter news conference, ay pawang dumistansya mula sa mga banat ng alkalde laban kay Robredo, sa pagsasabing wala silang pinaaatras sa halalan.