Binuksan na ng Bureau of Immigration ang “BI Ligtas Covid Centre” sa New Bilibid Prisons Compound sa Muntinlupa City.
Ayon kay BI Warden Facility (BIWF) Chief Remiecar Caguiron, ito ang magsisilbing quarantine ward para sa mga dayuhang Persons Deprived of Liberty (PDL) na positibo sa COVID-19 at may mild to moderate symptoms.
Ito ang papalit sa dating isolation area ng BI na matatagpuan sa custodial quarter ng kanilang detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Layon nito na mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa gabay na rin ng International Committee of the Red Cross (ICRC), Department of Justice, at Bureau of Corrections.
Mayroong 30 surge capacity ang pasilidad at maaari pang tumanggap ng hanggang 60 kung kinakailangan.
Sa kasalukuyan ay may 315 dayuhan na nakakulong sa BIWF dahil sa iba’t ibang mga immigration offenses kung saan lima rito ang nagpositibo sa COVID-19.
Plano ng BI na maglagay ng CCTV camera sa pasilidad tulad ng mga nasa ospital para sa remote monitoring at para maiwasan ang physical contact.