Manila, Philippines – Para kay Senator Risa Hontiveros, isang matinding warning para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbaba ng trust at satisfaction ratings nito base sa huling survey ng Social Weather Station.
Diin ni Hontiveros, ipinapakita nito na ang authoritarian style na pamumuno ni Pangulong Duterte ay nawawalan ng suporta at appeal sa publiko.
Giit ni Hontiveros, malinaw ang mensahe ng survey na hindi maaring pamunuan ni Pangulong Duterte ang bansa kaakibat ang paghahasik ng takot, pagsisinungaling at walang habas na pagpatay.
Kumbinsido si Hontiveros, na sirang sira na ngayon ang reputasyon ni Pangulong Duterte dahil hindi na ito maituturing na “teflon president” ng kanyang mga supporters na hindi dinidikitan ng kritisismo, paninisi at eskandalo.
Ayon kay Hontiveros, ngayon ay lumalalim na at lumalawak ang pagbatikos sa patuloy na pagtaas ng kaso ng patayan, pamamayagpag ng fake news at talamak pa ring korapsyon sa pamahalaan.
Punto ni Hontiveros, paano maipamamalaki ni Pangulong Duterte ang umano’y paglilinis niya sa mga tiwali sa gobyerno kung hindi niya mabuksan ang kanyang bank accounts para patunayan na wala siyang ibinulsang pera ng bayan.
Hindi rin aniya maaring isulong ni Pangulong Duterte ang isang liderato na walang respeto sa karapatang pantao.