Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay ISELCO 2 Finance Manager Liborio Medrano, itinanggi nito ang impormasyon na nakarating sa tanggapan ng CDA Region 2 kung kaya’t ipinaubaya na lamang sa ahensya ang pag-iimbestiga sa alegasyon ng nawawalang pera.
Una rito, ayon kay Medrano, may nagpadala ng sulat sa CDA kung saan sinasabing may nawawalang koleksyon ng ISELCO 2 mula sa mga binayad ng member-consumer owners (MCOs) ngunit kasabay ng pagbibigay ng sulat ay wala itong kalakip na anumang dokumento na magpapatunay sa alegasyon.
Paliwanag pa nito, maraming bank accounts ang kanilang kooperatiba na may ilan umanong MCO ang direktang nagbabayad ng kanilang electric bill sa bangko.
Apela naman ni Medrano sa mga umano’y nag-aakusa sa kanila na hintayin na lamang ang magiging findings ng CDA upang mabigyang linaw ang paratang laban sa pamunuan ng ISELCO-2.
Samantala, may takot pa rin sa kanyang sarili at pamilya si Medrano dahil sa ito umano ang unang target na ipapatay ng kasabay ng ginawang extra-judicial confession ng dalawang nahuling suspek sa pagpatay sa internal audit manager ng kooperatiba na si Agnes Palce.
Ipinauubaya na lang umano nito sa Diyos at Korte ang sitwasyon para sa ikalulutas ng kaso.
Hinimok naman ni Medrano ang member-consumer owners na magbayad pa rin ng kanilang mga nakokonsumong kuryente sa kabila ng panawagan ng ilang grupo na huwag munang magbayad ng bill sa kuryente sa buwan ng Abril hanggang Mayo bilang pagpapakita ng kanilang protesta sa kooperatiba dahil sa kanilang mga iginigiit na isyu katulad ng panibagong singil ng capital share.