Hinamon ni Misamis Oriental Rep. Juliette Uy ang mga Presidentiables na gawing election issue ang vaccine security sa bansa.
Hiling ni Uy sa mga presidential candidates na gawing policy stance at bahagi ng kanilang public health agenda ang local production ng COVID-19 vaccines at iba pang mahahalagang bakuna.
Importante aniyang maging usapin sa halalan ang pinakamalaking isyu ngayon sa gitna ng health crisis.
Aniya, dapat na ang mga bakuna ay “locally manufactured”, mula sa mga bakunang itinuturok sa mga bagong silang na sanggol hanggang sa mga future vaccines laban sa mga virus na maaaring lumabas sa hinaharap.
Kaugnay dito ay muli ring humirit ang kongresista sa pamahalaan na madaliin ang pagbibigay ng full approval o certificate of product registration para sa COVID-19 vaccines.
Paliwanag ng kongresista, mahalaga ang pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) ng bansa sa mga bakuna upang mapahintulutan ang commercial sale nito at magkaroon ng direktang access sa bakuna ang publiko.
Makatutulong din aniya ang pagkakaroon ng local production ng bakuna para sa nalalapit na pag-shift ng buong mundo mula pandemic patungong endemic stage.