Dapat bitawan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga usapin sa foreign affairs dahil hindi siya competent para dito.
Ito ang sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. matapos sabihin ni Roque ang mga gagawing hakbang ng gobyerno para tumugon sa pagpasa ng China ng batas na nagpapahintulot sa kanilang coast guard na atakehin ang mga foreign vessels na papasok sa kanilang ‘jurisdictional waters.’
Sinabi ni Roque na maaaring i-akyat ng Pilipinas sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang bagong Coast Guard Law ng China para kwestyunin ito.
Sa kanyang tweet, sinabi ni Locsin na hindi siya nakikinig sa sinasabi ni Roque.
Iginiit ni Locsin na hindi magaling si Roque sa larangang ito.
Dagdag pa ni Locsin, posibleng mawala lamang ang napanalunan ng Pilipinas sa The Hague tribunal.
Noong nakaraang linggo, naghain ang Pilipinas ng diplomatic protest laban sa China dahil sa bagong batas.
Samantala, dinipensahan ng Chinese Embassy sa Manila ang bagong batas at ipinuntong hindi lamang ito para sa China, kundi para sa soberenya ng lahat ng bansa.