Isyu sa South China Sea, balakid sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China; 7 geographical features na nakapaloob sa Kalayaan Group of Islands, kontrolado na ng China!

Walang bagong teritoryo ng Pilipinas ang nakontrol ng China sa ilalim ng Administrasyong Duterte.

Ayon kay Professor Rommel Banlaoi, Director ng Center for Intelligence and National Security Studies Philippines Institute For Peace, Violence and Terrorism Research, ang ginagawa ngayon ng China ay ang pag-develop sa mga teritoryong dati na nilang nakontrol.

Aniya, may ‘effective control’ na ang China sa pitong geographical features na nakapaloob sa Kalayaan Group of Islands kung saan ito nagtatayo ng mga artificial island.


Bagama’t may silbi ang pakikipag-usap ng Pilipinas sa ibang bansa pagdating sa international pressure, hindi naman ito ubra sa China.

“May silbi po when it comes to international pressure pero mayroong resilience ang China to receive international pressure,” ani Banlaoi.

Aminado naman si Banlaoi na talagang balakid ang usapin sa South China Sea sa pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa China.

“’Yong usapin sa South China Sea, balakid talaga sa magandang pakikipagkaibigan natin sa China at ang masaklap na pangyayari… d’yan sa South China Sea ay may capability ang China ngayon na magsagawa ng kahit anong construction activities na gusto nila dahil sila ay may kakayaha… kahit sa gitna ng pandemya,” saad niya.

Ayon sa security expert, may dalawang opsyon ang Pilipinas para mapanatili ang interes nito sa West Philippine Sea.

Una, ang “principled position” kung saan dapat panindigan ng bansa ang naging ruling ng Arbitral Tribunal at i-account ang China sa mga paglabag nito sa pamamagitan ng pag-mobilize ng international community o “mundo laban sa China”.

Pangalawa ay ang tinatawag na “practical cooperation” na siyang ginagawa ngayon ng Pilipinas.

“Makipag-usap tayo sa China at sa area na po ‘yan, may mga development na tayong nakikita. Tayo po ay nakikipag-usap na sa China para magkaroon ng practical cooperation. Pinag-uusapan na natin ‘yong Joint Development of Natural Gas and Oil, Joint Fisheries Management, Marine Scientific Research at Marine Environmental Protection. At ang pinaka-latest na na-monitor ko… magkaroon ng search and rescue operations at Joint Law Enforcement Cooperation.”

Facebook Comments