Kinumpirma ni Deputy Speaker Dan Fernandez na magsasagawa ng pulong bukas sa Malacañang ang kampo nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco.
Kasama sa mismong pulong bukas si Pangulong Rodrigo Duterte.
Partikular na pag-uusapan ang issue sa term-sharing sa pagka-Speaker.
Nito lamang Linggo ay 202 na mga kongresista na ang nagpatibay ng kanilang suporta kay Cayetano para manatili itong Speaker ng Mababang Kapulungan sa isinumiteng “manifesto of recommitment”.
Kasama sa mga lumagda ang 26 na top house leaders na mga opisyal din sa kanilang mga partido.
Samantala, sa social media post ni Velasco, iginiit nito na dapat panindigan ang 15-21 term sharing agreement na kanilang pinagkasunduan ni Cayetano sa harap ni Pangulong Duterte.
Base sa kasunduan, sa September 30 nakatakdang mag-expire ang termino ni Cayetano na agad namang ite-take over ni Velasco sa October 1, 2020.
Dagdag pa nito, bilang mga totoong lider at mabuting ehemplo sa publiko ay obligado silang tuparin at irespeto ang kasunduan at iwasan ang mga hakbang na makapagpapabali sa tiwala ng taumbayan.