IT expert, inaresto ng PNP Anti-Cybercrime Group dahil sa identity theft

Natimbog ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Quezon City Anti-Cybercrime Team ang isang 27 taong assistant computer programming instructor dahil sa identity theft.

Kinilala ang suspek na si John Carlo Jimenez Mamuyac, na inireklamo ng isang social media influencer.

Base sa reklamo ng biktima, gumawa ng pekeng Facebook account ang suspek, gamit ang mga larawan ng biktima na kinuha sa social media, at ito ang ginamit sa pag-aalok ng serbisyong sexual sa mga kliente.


Sa isinagawang entrapment operation, gumawa rin ng dummy account ang biktima na nagpanggap na kliyente at nagpadala ng perang pambayad sa serbisyo ng suspek.

Dito na inabangan ng mga awtoridad ang suspek at huli ito sa aktong kumukubra ng pera sa remittance center sa Pandi, Bulacan nitong Sabado ng gabi.

Hawak na ng mga awtoridad ang suspek at kasalukuyang nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10175 o Computer Related Identity Theft.

Facebook Comments