Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na gawing Chairman ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) board ang kalihim ng Department of Finance (DOF).
Ito ang isa sa mungkahi ng kongresista kasabay ng isinusulong na pag-overhaul sa state health insurer at panawagan sa Marcos administration na iprayoridad ang reporma sa PhilHealth.
Katwiran ni Salceda, dahil ito ay isang insurance at investment agency kaya mas mainam na kalihim ng pananalapi ang italaga sa PhilHealth sa halip na Secretary ng Department of Health (DOH).
Ipinatatalaga rin ang Bureau of Treasury bilang fund manager ng investment reserve fund ng state health insurer kung saan iipunin ang net income sa reserve fund at tatanggalin na ang “two-year ceiling” sa fund life.
Binibigyang mandato rin ang paglikha ng national health database para sa lahat ng claims at benefits na inisyu ng PhilHealth upang maiwasan ang pandaraya sa pag-uulat ng mga cases.
Dagdag pa ni Salceda, ang one-patient, one-record principle ay dapat masunod at dapat regular na magpatupad ng independent audit sa PhilHealth.