ITINANGGI | Pangalan ni Gen. Cascolan, nagamit sa pangongotong; Suspek, arestado na

27

Pinabulaanan ni Police Deputy Director General Camilo Cascolan na konektado sa kaniya ang isang babaeng naaresto sa kasong extortion.

Kinilala itong si Dianne May Navarez na naaresto ng mga tauhan ng NCRPO sa isang entrapment operation na gumagamit sa pangalan ng heneral.

Sa isang text message na ipinadala ni General Cascolan, hindi niya kilala ang suspek na si Navarez.

Isang na-dismiss na pulis ang naghain ng reklamo dahil halos 100,000 piso na ang nahingi sa kaniya ng suspek ngunit wala pang nangyayari sa pangakong maibabalik siya sa serbisyo sa tulong ni General Cascolan.

Nagulat na lamang ito nang lumutang ang iba pang mga biktima ni Navarez nang siya ay naaresto.

Marami umano ang nakumbinsi sa pananalita nito dahil may ipinapakita pang larawan nila ni General Cascolan.

Nasampahan na ng robbery extortion si Navarez at ngayon ay nakakulong sa NCRPO.

Facebook Comments