Isang aso ang binigyan ng burol ng pamilyang nag-alaga sa kanya sa Sarrat, Ilocos Norte.
Tulad ng karaniwang burol na ibinibigay sa namayapang tao, nakalagay sa isang kabaong ang aso na si Kaori.
Pinatungan ang kabaong ng mga stuffed toy at rebulto ni Hesus at, habang sa ilalim naman ay maroong imahe ng “Last Supper.”
Itinuring na kasi ni Dr. Raquel Ramos bilang anak ang Shih Tzu na anim na taon niyang inalagaan bago pumanaw noong Sabado, Hulyo 6, dahil sa anemia.
“Sobrang lungkot namin. Mga anak ko iyak nang iyak kasi hindi matanggap pagkamatay niya. Hindi namin siya itinuring na animal, itinuring naming tao dahil sweet siya at nakakawala siya ng stress,” kuwento ni Ramos sa isang panayam ng ABS-CBN.
Dalawang buwan pa lamang daw si Kaori nang maging bahagi ng kanilang pamilya.
Itinuring ng dentista si Kaori na bunsong kapatid ng dalawa niya pang anak na babae.
Pinaghahandaan din nila ito tuwing sumasapit ang kaarawan.
Gabi-gabi namang tinatao ng ilang kapitbahay ang burol ni Kaori upang makiramay din sa pamilya Ramos.