Manila, Philippines – Makikita na sa website ng Commission on Elections (Comelec) ang itsura ng balota na gagamitin para sa 2019 midterm elections.
Partikular na nakalagay sa comelec.gov.ph ang ballot faces kung saan nakasulat ang 62 kandidato sa pagkasenador at 134 na partylist group.
Gayundin, ang mga kandidato sa distrito sa pagka-kongresista, pagka mayor, vice mayor at sa sangguniang panglunsod.
Sa itaas ng kaliwang bahagi ng balota makikita ang logo ng Republika ng Pilipinas at sa baba nito nakalagay ang clustered precinct ID number.
Habang sa itaas na kanang bahagi naman, makikitang nakasulat ang official ballot at distrito kung saan nakarehistro ang botante.
Nakalagay din dito ang instruction sa pagboto na: itiman ang oval sa tabi ng pangalan, gumamit ng marking pen sa pagmamarka at huwag bumoto ng labis sa itinakdang bilang ng pinapayagan.