Mariing pinabulaanan ng aktres na si Ivana Alawi ang balitang kumakalat sa internet na nag-aalok siya ng escort services sa halagang P2.6 milyon hanggang P4.7 milyon.
Sa Facebook account ng isa sa mga bida ng teleseryeng “Sino Ang Maysala” nitong Linggo, sinabi ni Alawi na malaking kasinungaling ang post ng isang online booking agency.
Sa status ng Kapamilya celebrity, makikita ang screenshot ng Twitter post ng Manila Bookings na nilagyan niya ng linyang “FAKE NEWS” at thumbs down na emoji.
Mababasa sa post na puwedeng ma-book si Alawi sa loob ng isa hanggang dalawang oras.
“Ayos yan mga naiisip niyo ipost ah. May tax pa ba yan at bawas sa booking agency or net na? Syet ang mahal pala. Hahahaha dali lang pala kumita ng 100 million noh?”, sarkasting tugon ng aktres.
Giit pa niya, mayroon siyang limitasyon kahit “hubadera sa social media” at kumikita siya ng pera sa maayos at malinis na paraan.
Samantala, inupload ni Alawi nitong Lunes ang e-mail response ng “Manila Bookings”.
Ayon sa grupo, na-hack ang kanilang account at hindi rin umano nila kilala ito.
Kagaya ni Alawi, naging biktima din noong nakaraang buwan ng naturang website si Kapuso aktres Jackie Rice matapos maisama ang pangalan nito na nagbibigay umano ng “escort service”.