Binigyang-diin ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo sa mga kongresista na hindi kasama ang Ivermectin sa treatment protocol ng Department of Health (DOH) para sa COVID-19.
Sa pagdinig ng Committee on Health ay inihayag ni Domingo na nababahala siya sa mga report na nakakarating sa kanilang tanggapan na ginagamit ang Ivermectin na para sa hayop na gamot para sa mga nagkakasakit ng COVID-19.
Nauna rito aniya ay naglabas na ang FDA ng advisory na hindi dapat gamitin ang mga produkto o mga gamot na inaprubahan para sa “animal use.”
Bagama’t mayroon talagang Ivermectin na para sa tao na ginagamit sa ibang bansa, pero sa Pilipinas ay wala pa silang natatanggap na aplikasyon para sa registration o compassionate special permit o clinical trial sa nasabing gamot.
Matatandaang dalawang magkahiwalay na resolusyon na iniakda nina 1PACMAN Party-list Rep. Eric Pineda at Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang nananawagan ng imbestigasyon “in aid of legislation” para silipin kung bakit hindi pa rin pinapayagan ang naturang gamot sa bansa.