Manila, Philippines – Bago matapos ang taon, isusulong ni Philippine Red Cross Chair Sen Richard Gordon ang bill na naglalayong gawing mandatory ang pagdo-donate ng organ sa oras na yumao ang isang tao.
Ayon kay Sen Gordon, sa ilalim ng Organ Donor Act of 2019, sa oras na yumao na ang isang Pilipino ay otomatiko nang mapupunta sa isang nangangailangang pasyente ang organ nito.
Ang hirap kasi aniya sa mga kaso ng mga organ donor sa kasalukuyan, sa oras na yumao na ito, hindi pa rin makuha ng ospital ang mga idinonate ng donor dahil ayaw ipagalaw ng mga naiwang pamilya ang katawan nito.
Maganda rin aniyang ang batas na ito upang maiwasan nang maabuso o mapagsamantalahan ang mga mahihirap na Pilipino ibinibenta ang kanilang organ kapalit ng pera, dahil walang sapat na kaalaman tungkol sa mga kumplikasyon at mas malaking gastos na maaaring idulot nito.
Sa mga ayaw naman na maging organ donor, ayon sa Senador, walang magiging problema basta’t susulat lamang ng written consent, na nagsasaad ng hindi pagpayag sa pagiging isang organ donor.