Aarangkada na ang ‘Iwas Paputok Program’ ng gobyerno para sa nalalapit na Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang programa ay magsisimula ngayong araw sa pamamagitan ng isang aktibidad sa People’s Astrodome, sa Dagupan City, Pangasinan.
Pangungunahan ito ni Health Secretary Francisco Duque III, kasama ang mga opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG), Bureau of Fire Protection (BFP) at mga pinuno ng lokal na pamahalaan.
Tulad noong mga nakalipas na taon, target ng Department of Health o DOH ang “zero firecracker-related injuries” o walang masusugatan at mamamatay nang dahil sa paputok ngayong holiday season, lalo na sa pagsalubong sa taong 2020.
Katuwang ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, palalakasin ng DOH ang kampanya laban sa pagbili at paggamit ng mga paputok, bagama’t parte na tradisyon ng mga Pilipino ang pagpapaputok tuwing panahon ng selebrasyon gaya ng Pasko at Bagong Taon.