Zamboanga City, Philippines – Iwas pusoy sa pananagutan ang National Housing Authority (NHA) sa substandard housing projects sa Zamboanga City.
Sa pagdinig ng House Committee on Housing and Urban Development, tinanong ng Chairman ng komite na si Negros Occidental Representative Albee Benitez kung sakaling may nasaktan o namatay sa bumagsak na tulay ay sino ang dapat na managot.
Sinagot ni Attorney John Mahamud, Chief of Staff ng GM ng NHA, na nasa kontratista ang responsibilidad dito.
Katwiran ng NHA, hanggang ngayon ay hindi pa rin naitu-turn over sa ahensya ang housing projects kaya ang contractor ang responsable dito.
Ayon naman kay dating NHA General Manager Chito Cruz, aprubado ng NHA at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang paggamit ng kahoy sa pabahay sa Zamboanga City na ibinase sa housing projects sa Sulu na wala namang negatibong reports.
Dagdag pa dito, kahoy ang ginamit na materyales sa housing dahil hindi kakasya ang budget kung gagawin ito kongkreto.