Manila, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang Manila Police District (MPD) sa Manila Regional Trial Court para matugunan ang problema ng Jail Congestion sa mga Police Station sa Maynila.
Ayon kay MPD District Director Chief Supt. Joel Coronel, hihilingin nila sa mga hukuman na madaliin ang pag-iisyu ng commitment order para mailipat ng Manila City Jail ang mga naarestong suspek na nakakulong sa mga lock-up cell o Temporary Custodial Center na nasa mga MPD Police Station.
Ginawa ni Coronel ang pahayag dahil sa lumalalang problema ng siksikan sa mga kulungan sa mga presinto ng pulisya na nagdudulot ng peligro sa kalusugan ng mga preso lalu pa’t ngayon ay panahon ng tag-init.
Paliwanag ni Coronel, karaniwang inaabot ng 15 araw magmula nang maaresto ang suspek bago makapagpalabas ng commitment order ang korte.
Gayunman, may mga pagkakataon na tumatagal ang pag-iisyu ng commitment order ng mahigit dalawang buwan.
Giit ni Coronel na prayoridad nilang mailipat ng City Jail ang mga preso na tatlong buwan nang nakakulong sa presinto at mga nahaharap sa non-bailable offenses.
Dagdag pa ni Coronel, magsasagawa rin ang MPD ng medical examination katuwang ang PNP Health Service at Manila Social Welfare Department sa mga presinto para masuri ang kalagayan ng kalusugan ng mga preso.