Janet Lim-Napoles, handang isiwalat ang nalalaman sa Pork Barrel Scam

Manila, Philippines – Tiniyak ni pork barrel queen Janet Napoles na nakahanda siyang magsalita sa Department of Justice sa muling pagbubukas nito ng imbestigasyon sa PDAF scam.

Ayon kay Napoles, sasabihin niya ang lahat ng nalalaman at handa rin siyang tumayong state witness pero sa isang kondisyon.

Ito ay ang mailipat muna siya ng kulungan.


Sabi naman ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, posibleng mapagbigyan ang kahilingan ni Napoles dahil matindi ang banta nito sa kanyang buhay.

Sa ngayon hihilingin muna ng kampo ni Napoles sa Sandiganbayan na mailipat ito sa national Bureau of Investigation Detention Facility.

Pero una rito, sinabi ni Atty. Stephen David, legal counsel ni Napoles – na gusto sana ng kanyang kliyente na ma-house arrest.

Giit pa ni David, hindi si Napoles ang pinaka-guilty sa PDAF scam kaya’t pwede siyang maging state witness.

Gayunman, kahit malipat ng kulungan si Napoles, may isa pang nakikitang sagabal si Justice Secretary Aguirre.

Ito ay dahil ang kapatid ni Napoles na si Reynald Lim na isa sa mga kapwa akusado nito sa kaso at hindi pa lumulutang mula nang pumutok ang PDAF scam – ay posibleng ginagamit din para hindi magsalita si Napoles.

Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataong nagpahiwatig si Napoles ng kagustuhang maging state witness.

Bukod sa PDAF scam, iimbestigahan din ng DOJ ang mga non-Napoles NGOs na maaaring dawit din dito at pati na rin ang kontrobersya sa Disbursement Acceleration Program o DAP.
DZXL558

Facebook Comments