Binasag na ng janitress na si Chayra Ganal ang kaniyang katahimikan hinggil sa komprontasyon nila ng trans woman na si Gretchen Custodio Diez noong nakaraang linggo.
Matatandaang naging laman ng balita at social media si Diez dahil sa naranasang diskriminasyon matapos gumamit ng pambabaeng palikuran sa Farmers Plaza, Cubao, Quezon City.
Sa panayam ng pressone.ph, sinabi ni Ganal na may dalawang babaeng nagreklamo sa kaniya habang nakapila si Diez sa naturang banyo.
“Nakita ko po si Ma’am Gretchen, in-approach ko po siya ng maayos, sabi ko po sa kanya, Ma’am dito na po tayo sa CR ng lalaki,” tugon ni Ganal.
“Yung PWD hindi ko na po sa kanya na-offer `yun dahil dami din pong nakapila. `Yung sa CR kasi po ng lalaki nakita ko du’n walang pila, walang tao,” dagdag pa niya.
Sa halip umano na sumunod, kinuha ni Diez ang kaniyang cellphone at doon na nagsimula mag-video.
Tinapat niya po sa mukha ko, sabi ko, ‘Ma’am bakit n’yo po ako kinukunan ng picture,baka mamaya po ipapatay mo na lang ako niyan,’ kasi nauuso naman talaga `yung ganon,” salaysay pa ng janitress.
Pinapabura rin niya ang kuhang bidyo ni Diez pero pumalag ito at nasiko pa raw ang isang buntis na janitress sa tiyan.
Sanhi ng lumalalang pagtatalo, dinala na ang transgender sa administration office ng naturang establisyimento.
Pag-amin ng utility worker, uminit talaga ang kaniyang ulo sa inasal ni Diez at sinadyang takpan ng kaniyang kamay ang hawak na cellphone ng transgender.
Dahil din sa stress at galit, nasabihan niya si Diez ng “may uten ka pa din, tandaan mo yan!”
Binunyag din ni Ganal na sinigawan daw siya ng “shut up” ni Bataan 1st District Representative Geraldine Roman nang tangkaing magpaliwanag.
Maliban sa lokal na pamahalaan, iniimbestigahan na din ng Senado ang nasabing insidente.
Sa ngayon, wala pang nilalabas na pahayag si Diez ukol sa rebelasyon ni Ganal.