Japanese Prime Minister at Marcos Jr., nangakong palalakasin nila ang ugnayan sa Indo-Pacific

Nagkasundo sina Japanese Prime Minister Fumio Kishida at Philippine presumptive President Ferdinand Marcos Jr. na magtulungan para palakasin ang bilateral ties tungo sa kapayapaan at kaunlaran sa Indo-Pacific.

Ito ang napagkasunduan ng dalawa sa 15 minutong pag-uusap nila sa telepono nitong Biyernes.

Batay sa Japanese Embassy sa Maynila, sinabi ni Marcos na ang relasyon ng Pilipinas sa Tokyo ay napakahalaga at umaasa siyang mapapalakas pa ang pakikipagtulungan niya kay Kishida sa iba’t ibang larangan.


Nangako naman si Kishida na ipagpapatuloy nito ang suporta sa ekonomiya at seguridad para sa Pilipinas tulad ng pagtatayo ng mga imprastraktura.

Maliban dito, nagkasundo rin ang dalawa na magkita ng personal sa lalong madaling panahon.

Nauna na ring nagpaabot ng pagbati kay Marcos sa pamamagitan ng tawag si Australian Prime Minister Scott Morrison at Chinese President Xi Jinping.

Facebook Comments