Susuportahan pa rin daw ng dating Philippine Basketball Association (PBA) player at ngayo’y basketball coach na si Jason Webb ang Gilas Pilipinas sa paparating ng FIBA World Cup kahit pa dehado ang pambansang koponan.
Kasunod ito ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na paniguradong matatalo ang Gilas kontra Italy sa kanilang paghaharap sa Agosto 31.
Bagama’t sinabi ng Pangulo na ililibing ng Gilas ang Angola nang buhay, sinabi niya rin sa harap ng Filipino-Chinese businessmen sa Malacañang na sa China na lang pumusta sa World Cup.
(Basahin: Duterte: Walang laban ang Gilas kontra Italy sa FIBA, sa China na lang pumusta)
Ngunit sa isang Twitter post, tumanggi si Webb na suportahan ang aniya’y bansang nagnanakaw ng isla ng Pilipinas.
“I plan to cheer for our national athletes even if their chances of winning may be slim,” pahayag ni Webb sa Twitter.
“I also have no plans of cheering for a country stealing our land from us. Mabuhay ang atletang pinoy!”
Sumang-ayon naman kay Webb si Senador Joel Villanueva.
I second the motion 🇵🇭 Go Gilas! #puso
— Joel Villanueva (@senatorjoelv) August 7, 2019
Nakatakdang magsimula ang laban ng Gilas kontra Italy sa Agosto 31, sa Serbia sa Setyembre 2, at sa Angola sa Setyembre 4.