JEEP, NAHULOG SA BANGIN; 10 INDIBIDWAL, SUGATAN

Cauayan City – Maswerteng nakaligtas ang 20 katao kabilang na ang tsuper matapos mahulog ang sinasakyan nilang jeep sa isang bangin sa Brgy. Manga, Peñablanca, Cagayan noong ika-7 ng Setyembre.

Ayon sa imbestigador ng PNP Peñablanca na si Police Corporal Sherwin Pagulayan, ang mga biktima ay pawang mga residente ng Brgy. Nabbabalayan, Peñablanca, at patungo sana sa Brgy. Quibal upang suportahan ang pambato ng kanilang barangay sa basketball.

Habang nasa paakyat na bahagi ng kalsada ang jeep ay mayroong pasaherong bumaba kaya naman huminto ang jeep, subalit sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagloko umano ang preno nito dahilan para ito ay umatras at mahulog sa bangin.


Nagtamo naman ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang 10 pasahero ng jeep kabilang na ang 65 at 8 taong gulang na indibidwal, kayat kaagad na dinala ang mga ito sa pagamutan.

Sa ngayon, patuloy pa ring inoobserbahan ang kondisyon ng mga sugatang biktima.

Facebook Comments